Dahan-dahan kang pumanaw sa aking paningin.
Mga pangarap na binuo’y tila palasyong buhangin,
at mga salitang nasambit, pinipilit bawiin.
Mga bakas nating iniwan sa dalampasigan.
Bote ng alak na pinagsaluhan.
Ang munting dampa na tinuluyan,
Tanging ang isla na lamang ang naiwan.
Subalit heto ako’t naglalayag,
Sinusumpang naririnig kang tumatawag.
Nawalan ng puwang sa puso ang pagkabagabag,
itatayong muli ang munting dampang nabuwag.
Alam na walang daratnan, ngunit nagpapakabulag.
Hindi alintana ang iyong pagtiwalag.
Batid namang ang isla’y hindi natinag,
Sa hagupit ng bagyo’t unos, pinilit maging matatag.
Nang makarating sa isla’y, napuno ng pag-asa,
Pagka’t mga litratong kupas, nabuhay sa alaala.
Nakatayo pa rin ang munting dampa,
At ang bote ng alak, selyo lang ang nawala.
Kung paano natin nilisan ang isla noon,
at pinagdaanan man sya ng mahabang panahon.
Ang sayang dinulot nito’y nararamdaman magpa-hanggang ngayon.
Naririnig ang iyong tinig, tuwing humahampas ang alon.
Ano man ang iyong marating, saan ka man mapunta.
Munti nating paraiso’y hindi mawawala.
Kung dumating ang panahong nais mo nang mamahinga,
Bumalik ka sa isla-

…hinihintay kita.