Tuesday, November 11, 2008
Punisher 3-7
Lupain ng dalawang ilog,
tawag sa lugar kung saan kami hinulog.
sa dilim ng gabi, kulay berde ang paningin,
iniingatang hindi maka-gising ng natutulog.
Lugar na pinagsimulan ng sibilisasyon,
Kabalintunaan kumpara sa kasalukuyang sitwasyon.
Pilit ipinapatupad ang mga batas at alituntuning
-napatunayan nang mali, at napagiwanan na ng panahon.
Sa pag sikat ng araw, aking namalasan,
Ganda ng disyerto kung sa'n kami iniwan.
dalawang pulutong ang kasama sa paglalakbay
mga ma-taong lugar ay iniwasan.
alas-dose ng tanghali, tinablan na ng gutom.
walang dalang pagkain, mayroon lang maiinom.
mga kasama'y pagod na din kakalakad sa init.
Konti na lang, dadating na ang tulong.
Nang mahanap na ang lugar na kailangan marating.
Mga mukhang nakangiti at pagkain ang sumalubong sa amin.
"Nandito na ang mga mamamarusa!" hiyaw ng mga dinatnan.
Ilang buwan na sa digmaa'y naka-ngiti pa rin.
Digmaa'y kay ganda sa paningin.
Mula sa himpapawid, ang sarap panoorin.
Tila panunuod ng apoy na naglalagablab,
Pero magkamali kang lumapit, ika'y papasuin.
Lupaing uhaw sa basbas ng ulan.
Ininom ang katas ng digmaan.
Dugo ng mga mandirigma ang syang pumawi.
Hinihintay ang sunod na sagupaan.
Matapos ang ilang buwan, pinayagang umuwi.
Sinabitan ng mga medalya't kung ano anong palamuti.
Bale wala ang lahat ng aking nakamit,
Pagkat buhay ng mga kasamaha'y 'di na mababawi.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment